MAIKLING KWENTO
Ang maikling kwento o katha ay isang uri ng panitikan na bunga ng isang maikling guni-guni ng may-akda. Ito ay maaring likhang isip lamang o batay sa sariling karanasan na nag-iiwan ng isang kakintalan sa isipan ng bumabasa onakikinig. Ito ay maikli lamang at matatapos basahin sa isang upuan lamang. Iilan lamang ang mga tauhan. Ang mga kawal ng pangyayari ay maingat na inihanay batay sa pagkasunod-sunod nito.
Ang
isang maikling kwento ay mga kwento na mamaari mong tapusin sa isang
upuan lamang ng pagbabasa o kaya'y ang mga kwento na hindi inaabot ng
araw para matapos.
Mga Uri ng Maikling Kwento
Ang maikling kwento ay may mga sumusunod na uri:
- Kuwentong Nagsasalaysay - masaklaw, timbang na timbang ang mga bahagi, maluwag at hindi apurahan ang paglalahad.
- Kuwentong Tauhan- binibigayng diin nito ang tauhan ng mga tauhang gumagalaw sa kuwento.
- Kuwentong Katutubong Kulay - binibigyang diin nito ang tagpuan at kapaligiran ng isang pook. Masusing inilalarawan ang mga tao sa isang pook, pamumuhay nila, ang kanilang mga kaugalian at gawi na napapaloob sa kuwento.
- Kuwentong Sikolohiko - nilalarawang mabuti nito ang mga tauhan sa isipan ng mga mambabasa upang maipadama ang damdamin at nararanasan ng isang tao sa harap ng isang pangyayari o sitawasyon.
- Kuwentong Talino - mahusay ang pagkakabuo ng balangkas nito. Kailangang lumikha ang may akda ng makasuliraning kalagayan upang mamahay sa pag-aalinlangan hanggang ang takdang oras ay sumapit ang paglalahad ng kalutasan
- Kuwento ng Katatawanan- ang takbo ng pangyayari ay may kabagalan at may mangilan-ngilang paglihis sa balangkas at galaw ng mga pangyayari.
- Kuwento ng Katatakutan - pinupukaw nito ang kawilihan ng mambabasa sa halip na ang kilos sa kuwento. Binibigyang diin ang mga simulaing kaisahan at bias.
- Kuwento ng kababalaghan - binibigyang diin nito amg mga bagay na kapana-panabik, hindi kapani-paniwala at salungat sa hustong bait, kaisipan at karanasan ng tao. Kataka-taka ang mga pangyayari subalit magbibigay ito ng kasiyahan sa mambabasa.
- Kuwento ng Madulang Pangyayari - ang mga pang-yayari ay kapansin-pansin, lubahang mahalaga, nagbunga ng isang bigla at kakaibang pagbabago sa kapalaran ng mga tauhan.
- Kuwento ng Pakikipagsapalarang Maromansa - nasa balangkas ang kawilihan sa halip na sa mga tauhan ang kawilihan, sa mga kawil ng mga pangyayari ang siyang bumabalot sa pangunahing tauhan.
Mga Sangkap ng Maikling Kuwento
- Tagpuan - ang pook o lugar na pinangyarihan ng kuwento.
- Banghay - ang kabuuan ng isang kwento. Ang kawil ng mga pangyayari ay batay sa pagkakatulad nito mula umpisa hanggang sa kasukdulan sa bahaging ito nilulutas ang tunggalian ng mga tauhan sa kuwento.
- Tauhan- ang mga taong nagbibigay buhay sa takbo ng mga pangyayari sa kuwento.
Mga Bahagi ng Maikling Kwento
Ang maikling kuwento ay may limang bahagi:
- Panimula - nilalahad dito ang tagpuan upang ipakilala ang mgatauhan, pook at panahon ng kuwento sa mambabasa.
- Saglit na Kasiglahan - naglalarawan ng pasimula tungo sa suliraning inihahanap ng lunas.
- Suliranin - ang mga suliranin ay kinakailangang magkakaugnay mula sa simula hanggang sa paglalapat ng mga karampatang lunas sa bawat suliranin.
- Kasukdulan - ang bahaging kinapapalooban ng pinakamasidhing pananabik dahil sa takbo ng mga pangyayari.
- Kakalasan o Wakas - dito binibigyan ng pagkakataon ang mga mambabasa na tapusin ang kuwento atmagkkaroon ng pagkakataon na gamitin ang kanyang pag-iisip.
Mga katangian ng Maikling Kuwento, ayon kay G. Alejandro G. Abadilla
- May paksang diwa
- May banghay
- May paningin
- May himig
- May salitaan o diyalogo
- May kapananabikan
- May galaw
- May patunggali
- May kakalasan
- May suliranin
- May Kasukdulan
HALIMBAWA NG MAIKLING KWENTO
Tikbalang
“Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot
lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?” tanong ni Edith sa
panganay na kapatid.
“E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito.”
“Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari,” pakiusap naman ng bunsong si Teresa.
“O, halikayo at makinig kayo.”
Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang
nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda
na ay mabait pa.
Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang
nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na
binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang.
Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni’t ang
napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.
Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga
kaya’t hindi nagtagal at sila’y ikinasal. Maligayang mga araw, ang
nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.
Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang
babae na pinangalanang Ligaya. Nguni’t sa maaliwalas nilang langit ay
dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay
pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong
kapighatian.
Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas,
naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha
niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang
nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang
mga kamay at waring hinihingi ang bata.
“Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!” Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.
Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong
mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni’t hindi siya
makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong
gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.
“Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong
tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga
puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas.”
“Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po’y mga istorya lang iyon,” takang-takang tanong ni Roberto.
“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya
naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong
bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno
ng lumbang.”
“Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit
ang pamimilit niyang makuha ang bata,” halos maiyak-iyak si Roberto.
“Hayaan mo’t paghahandaan natin,” pangako ng matanda.
Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si
Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto,
biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at
dagling tumalon sa bintana.
Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang
nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno
ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng
awa.
“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo
ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo
gagambalain. Maawa kayo.”
Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.
Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang
batang si Ligaya ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng
tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at
inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.
“Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate,” sabi ni Edith. “Baka kami hindi makatulog.”
“Magdasal muna kayo bago mahiga,” paalala ng panganay, “kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!”
sino may akda?
TumugonBurahin